Friday, March 23, 2012

Pulitiko

Pulitiko



Sa loob ng isang palasyong bahay

Nauupo ang isang hari sa tronong kalansay

Suot niya’y isang napakagarang saplot;

Dupong na nababalot sa balat ng gahamang ulupong



Siya ay dumungaw; isang garapal

Nag-aabang sa yamang daratal

Kapitan ang katawagan—ngalan ay kawatan

Libong bibig naangal, libong sikmura’y pinakalam



Apat, limang aso sa kanya’y nagkandarapa

Tila isang diyos na kapangyariha’y dila

Dilang pangako’y pilak, ginto at yaman

Dilang madulas na libog lang sa pag-ibig ang dahilan



Milyong kidlat kanyang naiwasan,

Libong butas kanyang nalusutan,

Ilandaang ahas kanyang kinapitan,

Bilyong langgam kanyang tinapakan.



Kaya’t ako’y babangon, Mr. Pulitiko,

Aking duduraan ang iyong mukha,

Huhubarin ang iyong saplot ahas,

At yuyurakan ang pagkatao mong siba.



Sa gayon nawa’y mamulat ang iyong mga mata,

Nawa’y magising ka sa katotohanang:

Ika’y tao—may kapintasan, may katungkulan

Ika’y tao, din, at hindi isang bathala!

No comments:

Post a Comment