" Ah, innocence... ‘tis a bittersweet thing. A time when one can say anything he likes without ever fearing persecution from the prying eyes of a judgmental world. A time when one knows nothing and gains everything... a treasure possessed only by the young... a treasure lost forever by the old...."
"Ang aming pamilya ay napakasaya," banggit ni Boy sa kanyang kaibigang si Amy, kapwa mga walong taong gulang na bata.
Wala ang magulang nilang dalawa sa kani-kanilang bahay at katatapos lamang din nila parehong maglaro ng tagu-taguan, kaya, napagdesisyunan nilang manatili muna sa maliit na bahay ni Boy.
"Paano mo naman nasabi?" Tanong ni Amy.
"Wala lang," tugon ni boy. "Kasi mahal ako ni Mama at Papa. E 'di ba, naalala mo yung sinabi sa'tin ni Teacher Jane--kapag daw mahal ni Mama at Papa ang isa't isa tsaka 'pag mahal daw nila ako at ang Kuya, masaya ang pamilya?"
"Oo."
"Pero bakit ganun?" Tanong ni boy. "Tingnan mo 'to."
Ipinakita ni Boy ang kanyang mga braso at binti--pasa--ang mga ito'y puno ng pasa.
Nanlaki ang mga mata ni Amy.
"Hala, anong nangyari dyan?" Tanong niya.
Nangiti lamang si Boy.
"Iyan," aniya, "ang patunay ng pagmamahal sa akin ni Papa."
Pinagmasdan ni Boy ng pinagmasdan ang kanyang mga pasa ng may magkahalong paghanga at kirot. Si Amy, sa kabilang dako, ay nabahala.
"'Di ba masakit 'yan?" Tanong niya. "Bruises ang tawag dyan ni Mommy e. Nakukuha daw 'yan kapag nabangga ka ng malakas."
Nanahimik ang dalawa, at matapos ang ilang sandali ng katahimikang ito, nagsalita muli si Boy.
"Alam mo Amy," aniya, "hindi ko nga maintindihan ang mga matatanda e. 'Di ba sabi ng Teacher Jane kung mahal ka daw ng tao, hindi ka daw niya dapat sinasaktan?"
Tumango-tango lamang si Amy.
"Tapos," patuloy ni Boy, "sabi naman ni Mama, kaya raw ako sinasaktan ng Papa kasi daw mahal niya ako."
"Oo nga 'no?" Ang naisagot ni Amy. "Ang gulo nila."
Nagtawanan ang dalawa. Tila ba biro lamang ang araw-araw na sinasapit ni Boy.
"Sandali lang ha?" Sabi ni Boy. "Nauuhaw ako."
Kumuha ito ng pitsel mula sa kanilang ref at isang baso at agad na bumalik kay Amy.
Pinuno niya ang kanyang baso at agad itong ininom.
Nagulat siya. Iba ang lasa ng tubig na kanyang nainom. Mapait--napakapait. At ang amoy; kakaiba--nakahihilo. Naalala niya tuloy nang sinakay siya ng ama niya sa kanilang jeep at nang dinala nito ang nasabing jeep sa isang gasolinahan. Bukod pa dito, ang kanyang tubig na nainom ay mainit--tila bang apoy na gumagapang pababa sa kanyang lalamunan papunta sa kanyang murang sikmura.
"Ay," nasabi niya, "ito pala yung tubig na pinainom sa'kin ni Papa kagabi."
At 'yun nga ang siyang tubig na siyang pinainom sa kanya kagabi ng kanyang tatay--at siya ring pilit na pinaiinom sa kanya tuwing nagpupunta ang mga kaibigan ng kanyang Papa sa kanilang bahay.
Gayunpaman, ininom niya pa rin ito. Sanay na siya. Aba'y halos gabi-gabi ba namang dumalaw ang mga kaibigan ng kanyang ama. Kaya’t halos gabi-gabi niya na ring nalalagok ang likidong nakahihilo at may kakaibang amoy.
At matapos makainom ng dalawang baso ng kanyang inumin, bagama't siya'y medyo nahihilo na at ang kanyang paningi'y malapit nang umikot, patuloy pa rin siya sa pagkuwento.
"Alam mo ba?" Patuloy niya. "Mahal na mahal niya kaming lahat. Lalong lalo na si Mama at si Kuya.
"Kasi, gabi-gabi pagkatapos makipaglaro ni Papa sa kanyang mga kaibigan, palagi niyang tinatawag si Mama sa kanilang kwarto tapos sinasara nila ang pinto tapos maririnig ko na lang na may kumakalabog sa loob. Tapos 'pag labas ni Mama, puno siya ng bruises, tapos sasabihin niya lang naglaro lang daw sila ni Papa."
"Kasi, gabi-gabi pagkatapos makipaglaro ni Papa sa kanyang mga kaibigan, palagi niyang tinatawag si Mama sa kanilang kwarto tapos sinasara nila ang pinto tapos maririnig ko na lang na may kumakalabog sa loob. Tapos 'pag labas ni Mama, puno siya ng bruises, tapos sasabihin niya lang naglaro lang daw sila ni Papa."
Kinilig at natawa si Amy sa sinabing ito ni Boy.
"Bakit?" Tanong ni Boy.
"Alam ko na kung ang ginawa nila," ang kinikilig na sagot ni Amy. “Alam ko kung bakit may kumakalabog sa kwarto nila. Hee hee hee.”
"Ano?"
"Ano?"
"Lumapit ka dito, ibubulong ko sa'yo."
Napakamot ng ulo si Boy. Niloloko niya kaya ako?
Nilapit naman ni Boy ang kanyang tainga.
"Nagla-lovemaking sila!" Ang natatawa at kinikilig na bulong ni Amy.
Hindi ito naintindihan ni Boy.
"Ano yung lovemaking?" Tanong niya. Kinilig muli si Amy.
"Pinapakita nila sa isa't-isa na mahal nila ang isa't-isa."
"Kailangan ba araw-araw 'yun?" Tanong ni Boy.
"Hindi. Kasi pagkatapos daw nun makakagawa raw sila ng kapatid ko."
Nagtaka ng lalo si Boy. Napakamot siyang muli sa kanyang ulo at tinigilan na niya ang pag-inom para makapag-isip na siya ng mabuti. Bakit ganon? E nagkakaroon lang ng pasa si Mama pagkatapos nilang lumabas ng kwarto.
Tumingin siya kay Amy at tinanong, "Pagkatapos ba nila mag-lovemaking e nagkakapasa ba ang mama mo?
"Hindi."
Halos katatapos pa lang sabihin ni Amy ang kanyang sagot nang dumating ang kuya ni Boy--si Emman.
Ang labimpitong taong gulang na binatilyo ay kagagaling lamang sa kanyang paaralan. Ang kanyang makisig sanang mukha ay sugatan at duguan. Ang kanyang unipormeng pantaas ay punit-punit at may kaunting mantsa ng dugo.
Nang makita nito si Boy at ang pitsel ng kanyang iniinom, sinugod niya kaagad ang kanyang kapatid.
"Gago ka!" Sigaw ni Emman habang hinahablot ang pitsel at ang baso mula kay Boy. "Alak 'to ni tatay! Punyeta ka talaga! Lagot na naman ako mamaya!"
Agad nitong pinasok ang pitsel sa kanilang ref, hinugasan ang baso, at pumasok nang padabog sa kanyang kwarto.
"Anong nangyari sa kuya mo?" Ang gulat na tanong ni Amy.
"Napaaway na naman siguro 'yun si kuya," sagot ni Boy.
"Bakit?"
"Kasi, 'yan si kuya, matalino na, guwapo pa. Pinag-aagawan kaya 'yun ng mga babae at bakla sa kanila. Kaya 'yun, binubugbog tuloy siya ng mga naiinggit sa kanya."
katihimikan muli—na siyang pinutol na naman ni Boy.
"Alam mo," aniya, "hindi ko rin maintindihan si kuya e.... Aral siya ng aral pero hindi pa rin siya makapasa sa mga exams niya.
"Nung isang araw nga, nakita ko siyang nagbabasa ng isang libro na may litrato ng mga nakahubad na babae. Tapos, nung tinanong ko siya kung anong ginagawa niya, ang sabi niya sa'kin nag-aaral siya. Human Anatomy daw 'yun."
Takipsilim na. Dumating na ang mga magulang ni Boy.
"Ay," sambitla ni Amy, nang makita ang mga magulang ng kalaro, "uuwi na 'ko, Boy."
"Sige, buh-bye Amy."
"Hoy Boy!" Sigaw ng kanyang ama nang paglabas ni Amy. "'Asan na ang magaling mong kapatid?"
"Nasa kwarto niya po," natatakot na sagot ng bata. "Napaaway na naman po yata."
"Putang inang bata 'yan!" Walang habas na sigaw ng kanyang ama. "Humanda sa'kin mamaya 'yang hayop na 'yan!"
Tumingin ang tatay ni Boy sa kanyang ina at pagalit na sinabing, "Laura, pumasok ka dun sa kwarto!"
Walang-imik na sumunod si Laura. Pumasok ang mag-asawa sa kanilang kwarto at 'di kalaunan nga'y may kumakalabog na naman mula sa loob.
Namumutla at takot na takot, pumasok si Boy sa kanyang kwarto, umakyat sa kanyang kama, at tinakpan ang sarili ng kumot.
"Lord," dasal niya, "sana po maging maayos na ang kuya ko... at... at sana po... 'wag na mag-lovemaking sina Mama at si Papa...."
No comments:
Post a Comment